Proseso

PHiC_Portfolio_Process
Hangad po namin ang makapaghatid ng karagdagang kaalaman sa malinaw, magalang at pinakamabisang paraan na naaangkop sa pag-unawa ng karamihan ng ating mambabasa.

Bakit salin sa wikang Filipino?

Isa rin po sa aming layunin para sa website na ito ang pagpapayabong ng “comprehension” o ang mas matatas na pag-unawa ng bawat salita, lalo higit sa mga bagong magbabasa, sa pamamagitan ng sadyang pagsalin sa wikang Filipino, gayundin ang paglalagay ng salin sa English Language.

Bagaman hindi ito nangangahulugan na intensyon naming laktawan ang karamihan sa mayamang dayalekto ng Pilipinas, pati na rin ang iba pang lengguwahe ng ibang bansa. Bagkus sa madaling sabi, nais naming makipag-usap sa aming mga bisita sa pinakamabisang paraan, katulad na lamang sa payak na paggamit ng Conversational Filipino.

Bakit napakahalaga ng pananaliksik?

Sa tuwing makakakita kami ng isang lumang litrato, mas pinagtutuunan namin ng pansin ang lalim ng kwento nito. Madalas nagpapahayag ito salaysay, dula at mahalagang pangyayari. Kung kaya’t dito nag-uumpisa ang matinding paguusisa, lalo kapag tungkol ito sa isang personal na kwento, na mas higit pa sa ating nadatnang kasaysayan.

Sa karaniwan, naglaan kami ng mas maraming oras at pagsisikap sa pagsasaliksik, higit pa sa malikhaing paggawa. Wala sa aming tunguhin ang mailigaw ang aming mambabasa dahil sa paggamit ng maling impormasyon. Sa aming proseso, pinag-aaralan namin ang bawat detalye ng bawat larawan, halimbawa na lamang ang pagtingin sa buong kapaligiran, damit, balat, mata, buhok, mga pinanggagalingan ng anino, oras kung kailan kinuhanan ang litrato, kultura, taon, kaganapan at kung anu-ano pa.

Kalaunan ay saka pa lang namin uumpisahan ang pagsusulat ng talata, o kung di naman ay ang pagkukulay.

Maingat naming kinakalap ang lahat ng impormasyong sa abot ng aming makakaya, mula sa mga archives, library, mga libro, pahayagan, palabas, artikulo sa internet, maging sa mga personal na kwento ng mga nakakatanda (reliable sources), na nakaranas ng mga pangyayari sa nakaraan.

Sa huli habang inaaninag sa malayuan, tila ang bawat litrato ay mistulang nagpapahayag ng sarili nilang kwento, nagsasalita, sumasayaw, humihinga, katumbas ng mga pangyayari sa totoong buhay.

Proseso ng Pagkukulay

Bakit kinukulayan ang mga lumang litrato?

Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, dumadating na din ang pagbabago sa ating pananaw patungkol sa kasaysayan. Tila sa panahon ngayon, nakakalungkot isipin na karamihan sa atin, lalo’t na sa mga kabataan, ang madalas nawawalan ng interes sa mga kwento at leksyon ng kasaysayan, dala na rin marahil sa agwat ng panahon at iba pang libangan.

Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga kulay sa mga larawang ito, umaasa kami na kahit sa ganitong paraan ay mapapalapit namin ang kasaysayan na konektado lalo higit sa kasalukuyan. Sa aming pananaw, makatutulong ang mga kulay na ito upang makapagbigay ng kaunting sulyap at pagkakataon upang maranasan nating ang buhay ng nakaraan.

Bagaman, walang kulay ang makakatumbas sa kahalagahan ng orihinal na larawan, higit na inaasam namin ang pagpapahalaga sa kabuuang konteksto ng kasaysayan, sa pamamagitang ng pagkakaroon ng bukas na pag-iisip, masugid na interes sa pag-aaral at makulay na pananaw sa buhay.

Shopping Basket